Isa sa pinakamatatag na political dynasty sa bansa ay tila nahaharap sa pinakamalaking dagok nito, matapos maglabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court laban kina Ferdinand Villar at Dennis Aguilar, na kapwa akusado sa multiple estafa cases kaugnay ng paglipat umano ng P450 milyong pondo para sa mga infrastructure project sa Las Piñas City.
Ang warrant ay inilabas ni Judge Tammy Ann Reyes Mendillo, kasunod ng pagkakaaresto kay dating DPWH Las Piñas-Muntinlupa District Engineer Isabelo Baleros sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Maynila.
Bagama’t nakapagpiyansa at pansamantalang nakalaya si Baleros, nananatiling mabigat ang mga paratang laban sa kanya, kabilang ang ilegal na paglilipat ng pondo para sa flood control projects na umano’y isinagawa nang walang konsultasyon sa mga lokal na opisyal ng lungsod.
Ayon kay Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos, ang kasong ito ay “simula pa lang ng mas malalim na katiwalian” sa DPWH.
“Kung seryoso ang DPWH sa reporma, dapat hindi lang tanggal — kundi ipakulong ang mga opisyal na sangkot. Ang P450 milyon ay hindi basta numero; pera ‘yan ng taumbayan,” ani Santos.
Sinabi pa ni Santos na inilipat ni Baleros ang pondo ng ilang proyekto sa DPWH-National Capital Region Office nang walang pahintulot mula sa lokal na pamahalaan, Office of the Mayor, o Sangguniang Panlungsod.
Ibinunyag din ng kongresista na dating DPWH Assistant Secretary Loreta Malaluan ang nag-apruba ng transfer, at kinumpirma ito ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, kahit walang abiso sa lokal na pamahalaan.
“Paanong maililipat ang daan-daang milyong piso nang walang kaalam-alam ang mga halal na opisyal ng lungsod? Malinaw na may backroom maneuvering dito,” dagdag ni Santos.
Binanggit din niya na karamihan sa mga proyektong dapat pondohan, kabilang ang C5 Diversion Road project at 27 pang proyekto sa ilalim ng 2025 GAA, ay walang nakikitang progreso o pisikal na pagsisimula.
Simula dekada ’90, ang pamilyang Villar ang matagal nang naghahari sa Las Piñas. Nagsimula si Manny Villar bilang kongresista at umangat bilang Speaker of the House bago naging senador at Senate President.
Sinundan siya ng kanyang asawang si Cynthia Villar, na humawak din ng congressional seat bago lumipat sa Senado. Ang kanilang anak na si Mark Villar ay naging kongresista, pagkatapos ay DPWH Secretary sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ngayon, ang bunsong si Camille Villar naman ang kasalukuyang mambabatas at senador.
Kasabay ng flood control scandal, kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na iniimbestigahan na rin ng Department of Justice ang posibleng conflict of interest ng pamilya Villar sa mga proyekto sa Las Piñas.
“Kasama sa saklaw ng imbestigasyon sina dating Sen. Cynthia Villar at ang mga anak niyang sina Mark at Camille. May ulat na ang isang contractor, na sinasabing kamag-anak, ay nakakuha ng proyektong aabot sa P18 bilyon sa Las Piñas,” pahayag ni Remulla.
Dagdag pa niya, bibigyan ng pagkakataon ang mga Villar na magpaliwanag sa mga akusasyon.
Habang lumalalim ang imbestigasyon, lumalakas naman ang panawagan mula sa mga mamamayan ng Las Piñas at mga watchdog group para sa malinis at patas na pagbusisi sa umano’y multi-billion peso flood control racket na ngayon ay banta hindi lang sa kaban ng bayan, kundi pati sa political survival ng isa sa pinakamatagal na dinastiya sa bansa.
