Sa gitna ng matinding pagbaba ng tiwala ng publiko bunsod ng flood control corruption scandal, nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano ng sabay-sabay na pagbibitiw sa puwesto ng lahat ng opisyal ng pambansang pamahalaan at pagsasagawa ng snap election para umano “i-reset” ang gobyerno.
Sa isang Facebook post sa kanyang “verified” account, sinabi ni Cayetano na dapat magbitiw sa puwesto ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga Senador at Kongresista, at magsagawa ng bagong halalan, ngunit hindi dapat payagan ang mga kasalukuyang nakaupo na muling kumandidato sa loob ng isang termino.
“Ngayon higit kailanman, mga politiko ang pinaghihinalaan. Nawalan na ng tiwala ang taumbayan sa gobyerno at sa mga opisyal nito — at sino ba naman ang masisisi?” ani Cayetano.
Dagdag pa niya, kailangang magsimula muli ang bansa sa isang “malinis na slate.”
“Walang drama, walang palusot, walang pagre-recycle. Kung tunay tayong naglilingkod, hindi tayo matatakot magsimulang muli. Ang totoong pagbabago ay nagsisimula sa katapatan — at sa tapang na amining panahon nang magparaya,” pahayag pa niya.
Nilinaw ni Cayetano na ang panawagan ay para lamang sa mga pambansang opisyal, kaya’t mananatili sa puwesto ang mga gobernador, alkalde at kapitan ng barangay.
Ayon sa senador, magpapatuloy pa rin ang takbo ng pamahalaan dahil sa umiiral na burukrasya, kahit magkaroon ng mass resignation sa pambansang antas.
Tinawag ni Cayetano ang kanyang panukala bilang isang “alternatibo sa people power,” isang mapayapang paraan umano upang maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.
Sa isang nakakagulat na pahayag, sumuporta ngunit hinamon ni dating Taguig City Mayor Lino Cayetano ang kanyang kapatid na senador na manguna mismo sa panawagan.

“Sang-ayon ako kay Kuya Alan — pero dapat magsimula tayo sa sarili natin. Ibigay ang kapangyarihan,” ani Lino sa sariling Facebook post.
“Kung totoo ang paniniwala mo, ipakita mo. Magtiwala ka na kung ang ilan sa mga ‘old guard’ ay magbitiw, makakahikayat ito sa iba na sumunod.”
Dagdag pa ni Lino, maaaring magtagumpay ang panukala, “ngunit dapat may maunang isa.”
“Maging ikaw na iyon, Sen. Alan, at tatandaan ka ng bayan bilang lider na tunay na nagbukas ng daan sa pagbabago,” dagdag pa niya.
Ang panawagan ni Cayetano ay kasunod ng patuloy na imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga flood control project kung saan ilang mambabatas at opisyal ng DPWH ang nasasangkot sa mga isyu ng kickback at pandaraya sa pondo ng bayan.
