Dahil sa mababang bilang ng mga pumapasa sa Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT), mas mababa sa 40% mula 2010 hanggang 2022, nanawagan ang Philippine Business for Education (PBEd) sa administrasyong Marcos na palakasin at repasuhin ang naturang pagsusulit, na tinawag nilang “isang isyung may kinalaman sa pambansang kaligtasan.”
Ayon sa ulat na unang lumabas sa Bilyonaryo portal, iginiit ng PBEd na kailangang baguhin ang sistema ng BLEPT upang matiyak na ang mga pinaka-handa at kwalipikadong guro lamang ang makapagtuturo sa mga paaralan.
“Ang mga guro ang puso ng learning recovery,” ayon kay PBEd Executive Director Hanibal Camua.
“Pero bago natin sila mapalakas, dapat nating siguraduhin na ang mga pumapasok sa propesyon ay mahusay na sinanay, may sapat na suporta, at dumaan sa masusing pagsusuri. Dapat ang BLEPT ay patas, tama, at maaasahang sukatan ng kahandaan sa pagtuturo,” dagdag niya.
Sa pag-aaral na “Fixing the Foundations: Strengthening the Teaching Workforce through the BLEPT,” na inilahad sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), tinukoy ng PBEd ang mga seryosong kakulangan sa disenyo at pagpapatupad ng exam.
Kabilang dito ang hindi pagtutugma ng BLEPT sa teacher education curriculum at sa Philippine Professional Standards for Teachers.
Mayroon ding kakulangan ng mga miyembro ng board na gumagawa ng exam items para sa walong degree programs at iba’t ibang espesyalisasyon.
Ipinanukala ng PBEd na ang Professional Regulation Commission (PRC), Commission on Higher Education (CHED), Teacher Education Council (TEC), at Department of Education (DepEd) ay magtulungan upang baguhin ang proseso ng test development at administration, hindi para mas pahirapan, kundi para gawing mas matalino at naaayon sa kasalukuyang pangangailangan ng mga guro at mag-aaral.
“Utang natin sa mga aspiranteng guro na bigyan sila ng exam na tunay na sumusukat sa mahusay na pagtuturo,” ani Camua.
“Ang pag-ayos sa licensure exam ng mga guro ay hindi lang teknikal na usapin — ito ay usapin ng pambansang kaligtasan.”
Base sa datos ng EDCOM II, ang Pilipinas ang may pinakamataas na learning poverty rate sa ASEAN, 90.9% ayon sa World Bank–UNESCO indicator.
Ibig sabihin, sampung taong gulang pataas na mga bata ay hindi pa rin nakababasa at nakauunawa ng simpleng teksto.
Tinukoy din ng EDCOM II ang mga kakulangan sa BLEPT tulad ng kawalan ng pilot testing, kakulangan ng mga tagagawa ng exam items, at kawalan ng pamantayang psychometric analysis upang masiguro ang bisa at pagiging patas ng pagsusulit.
Kabilang sa rekomendasyon ng PBEd ang: Paglahok ng mga eksperto sa pagbuo at pagsusuri ng exam items, pagpapatupad ng pilot tests at psychometric analyses, pagbuo ng data system para subaybayan ang exam results, pagpapatupad ng standardized testing protocols sa lahat ng testing centers
Samantala, nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno na bigyang-prayoridad ang mga proyekto at programang pang-edukasyon.
Sa kanyang talumpati sa Philippine Development Forum (PDF) 2025 sa Mandaluyong City, binigyang-diin ng pangulo na ang edukasyon ang tunay na susi sa pag-unlad ng bansa.
“Malayo na ang narating natin sa pagpapabuti ng ating edukasyon, ngunit malayo pa rin ang ating tatahakin,” ani Marcos.
“Ang layunin natin ay isang Pilipinas kung saan bawat bata — anuman ang pinagmulan — ay may access sa de-kalidad at makabagong edukasyon.”
Inatasan din ng pangulo ang DPWH, DepEd, DBM, at DOF na tiyaking sapat ang pondong inilaan para sa mga proyekto sa edukasyon, partikular sa pagtatayo at pagkukumpuni ng mga silid-aralan hanggang 2028.
“Walang batang dapat mag-aral sa makeshift na silid, at walang gurong dapat pasanin ang sistemang walang suporta sa kanila,” dagdag pa niya.
