Inamin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na lubha siyang nabigla sa lawak at lalim ng korapsyon sa gobyerno, matapos niyang matuklasan ang mga umano’y “ghost projects” sa flood control programs ng bansa.
Sa pinakahuling episode ng BMM Podcast, sinabi ng Pangulo na hindi niya inasahan ang antas ng katiwalian na tumatakbo sa ilang ahensya ng pamahalaan.
“There’s always been a sniff and suspicion of corruption in government — you know, but not the scale. That was the shocking part. And I said, this cannot continue,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, ginawa niyang bahagi ng pambansang diskurso ang usapin ng korapsyon upang mawakasan ang sistematikong pandaraya na patuloy umanong nagpapahirap sa bansa.
“The reason I brought it up and made it part of the national discourse was quite simply because this could not go on,” dagdag niya.
Binalaan din ni Marcos na hindi uunlad ang Pilipinas kung magpapatuloy ang ganitong sistema ng katiwalian.
“Nothing will happen to the Philippines if we carry on this way,” aniya.
“Hindi uusad ang ekonomiya, pati mga paaralan at ospital, kung patuloy nating palalampasin ang ganitong gawain.”
Nanawagan ang Pangulo sa mga ahensya ng gobyerno na paigtingin ang transparency at accountability upang maibalik ang tiwala ng mamamayan at matiyak na ang bawat pisong buwis ay mapupunta sa tunay na serbisyo publiko. (BOYET BARBA JR)
