Hindi lang sa baha nalulunod ang ating bansa, kundi sa bagsik ng rumaragasang katiwalian. Ang mga paratang laban sa 1st District Engineering Office (DEO) ng Bulacan ay hindi tsismis, kundi malinaw na larawan ng bulok na kalakaran sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang payola, lagayan, bentahan ng proyekto na kung totoo man ang mga ito, ay isa itong nakakasuklam na patunay na ang katiwalan ay parang ugat na malalim na nakabaon sa sistema.
Nakakikilabot isipin mga ka-Sampaguita, na ang pondo ng bayan na dapat sana’y ginugol sa kalsada, tulay at proteksyon laban sa baha ay napupunta lamang sa bulsa ng tiwaling opisyal.
Matatandaan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay inamin ng testigong si Sally Sanatos na naghatid siya ng P1 bilyon sa mga inhenyenro ng DPWH sa loob ng tatlong taon. Hindi na ito simpleng “lagayan,” kundi ito ay sistematikong pagnanakaw. Samantala, may mga kontratista na pinipilit na ipahiram ang kanilang lisensya kapalit ng kabayaran, dahil takot silang hindi na makapasok sa sistema kung tatanggi.
Kung totoo ang lahat ng ito, malinaw na ang mga contractor ay hindi lamang biktima ng ilang bulok na itlog sa DPWH. Ang mismong pugad ay nabahiran ng kabulukan. Ang tanong ngayon, sino ang nakakaalam? Sino ang nagbulag-bulagan? At sino ang nagpayaman habang nagdurusa ang taumbayan?
Mahalaga ang prinsipyo ng command responsibility. May pananagutan ang mga pinuno sa kasalanan ng kanilang tauhan. Kaya’t hindi sapat ang salita ni Secretary Vince Dizon na magkakaroon ng “nationwide investigation.” Kailangan ng mas malalim na pagbusisi, lalo na’t binanggit ang posibilidad ng mga ghost projects. Proyektong nasa papel lang, pero may pondong nawawala.
Kaya’t mahalaga ang papel ngayon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). May kapangyarihan itong mag-subpoena, mag-imbestiga ng financial records, at magrekomenda ng kaso laban sa kahit sino, kahit maging malapit man sa Pangulo. Kung seryoso ang gobyerno sa Bagong Pilipinas, ito ang pagkakataong ipakita na walang sinasanto.
Ngunit higit pa sa mga imbestigasyon, kailangan ng kongkretong aksyon. Ang Pagkakaisa na isinusulong ng Pangulong Marcos ay hindi makakamtan kung patuloy na nangingibabaw ang pangungurakot. Ang pagkakaisa ay hindi slogan, ito ay produkto ng tiwala. At ang tiwala ay makukuha lamang sa pamamagitan ng tunay na transparency, accountability, at katarungan.
Dapat palakasin ang proteksyon sa mga whistleblower. Kung may mga taong handang isugal ang kanilang buhay at kabuhayan para ilantad ang kabulukan, tungkulin ng estado na tiyakin ang kanilang seguridad at boses. Kung wala silang lakas ng loob, mananatiling lihim ang katiwalian.
Ang flood control scandal ay hindi lang simpleng kaso ng katiwalian. Dito masusubok ang liderato ng Pangulo. Kakampihan ba niya ang tuwid na daan o hahayaang magpatuloy ang pagkabulok na sumisira sa tiwala ng mamamayan?
Kung seryoso ang gobyerno sa Bagong Pilipinas, dapat simulan sa paglilinis ng DPWH, isang kagawaran na tila ginawang personal na bangko ng mga tiwali. Panahon nang ilagay sa kulungan ang mga magnanakaw ng kaban ng bayan. Panahon nang ibalik ang dangal sa serbisyo publiko.
Ang kinabukasan ng bansa ay nakasalalay sa pamahalaang may dangal at may pananagutan. Kung walang matapang na aksyon ngayon, lulunurin tayo hindi ng ulan, kundi ng katiwalian.
