PORMAL nang nanumpa ang limang bagong undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang palakasin ang operasyon ng ahensya sa gitna ng malawakang infrastructure rollout at kaliwa’t kanang batikos sa mga suliranin sa flood control.
Pinangunahan ni Public Works Secretary Vince B. Dizon ang panunumpa noong Lunes, Setyembre 29, sa mga opisyal na itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kabilang sa mga bagong opisyal sina Arrey A. Perez mula sa MVP Group, bilang Undersecretary for Operations na hahawak sa Convergence Projects at Technical Services; Arthur V. Bisnar, Undersecretary for Regional Operations; Charles T. Calima Jr., Undersecretary for Special Concerns; Ricardo P. Bernabe III, Undersecretary under the Office of the Secretary; at Samuel Rufino J. Turgano, Undersecretary for Legal Services.
Ayon kay Dizon, mahalaga ang bagong liderato upang higit na mapalakas ang kakayahan ng DPWH na maghatid ng mga proyektong magpapalago sa ekonomiya at magpapabuti ng serbisyo publiko.
Matatandaang nang maupo si Dizon bilang kalihim ngayong buwan, nangako siyang lilinisin ang DPWH sa pamamagitan ng isang “systematic at relentless” na shake-up laban sa mga tiwaling opisyal at kontraktor na sangkot sa maanomalyang proyekto. (MINA PADERNA)
