Ulat ni Limuel Tolentino
HINATULAN ng kamatayan na may dalawang taong reprieve ang dating Agriculture Minister at Rural Affairs ng China na si Tang Renjian dahil sa pagtanggap ng napakalaking halaga ng suhol, ayon sa desisyon ng Intermediate People’s Court ng Changchun, Jilin Province.
Bukod sa parusang kamatayan, habambuhay nang tinanggalan ng karapatang pampulitika si Tang, kinumpiska ang lahat ng kanyang ari-arian, at ipinabalik sa pambansang kabang-yaman ang kanyang mga nakuhang ilegal na yaman.
Batay sa imbestigasyon, mula 2007 hanggang 2024, ginamit umano ni Tang ang kanyang posisyon sa iba’t ibang antas ng gobyerno upang paboran ang ilang negosyo, proyekto, at promosyon ng trabaho. Kapalit nito, tumanggap siya ng salapi at mga ari-ariang nagkakahalaga ng higit 268 milyong yuan (USD 38 milyon).
Ayon sa korte, napinsala nang husto ng kanyang mga krimen ang interes ng estado at ng mamamayan, dahilan para siya’y patawan ng pinakamabigat na parusa.
Gayunman, dahil sa kanyang pag-amin, pagbabalik ng nakaw na yaman, at pagpapakita ng pagsisisi, pinagbigyan siya ng death penalty with reprieve, na maaaring magresulta sa habambuhay na pagkakakulong kung magpakita ng mabuting asal sa loob ng dalawang taon.
Sa paglilitis noong Hulyo 25, nagharap ng ebidensya ang mga tagausig, si Tang at kanyang abogado.
Umamin siya sa kasalanan at nagpahayag ng pagsisisi sa huling bahagi ng paglilitis.
