NAGPALABAS ng warrant of arrest ang Mandaluyong City Regional Trial Court (RTC) Branch 279 laban kina retired police officers Royina Garma at Edilberto Leonardo kaugnay sa pagpaslang noong 2020 kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Wesley Barayuga.
Sa utos na nilagdaan ni Judge Gloria Monica Lopez noong Setyembre 13, kasama ring ipinaaaresto sina Jeremy Causapin alyas “Toks,” Nelson Mariano, at Police Lt. Col. Santie Mendoza. Walang itinakdang piyansa para sa limang akusado.
Ayon sa mga ulat, kamakailan ay tumungo sa Malaysia si Garma upang makipagpulong sa mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) bilang posibleng testigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.
Nauna nang sinabi ni Garma na si Duterte mismo ang nag-utos sa kanya na magdisenyo ng reward system para sa war on drugs.
Itinuturo naman ni Garma si Leonardo bilang pangunahing utak sa nasabing sistema, na umano’y siya mismo ang pinili dahil mahusay sa pamamahala ng pondo. Si Leonardo ay matagal nang kabilang sa listahan ng ICC ng mga taong “under suspicion.”
Batay sa naunang testimonya ni Mendoza sa House quad committee, sina Garma at Leonardo umano ang nag-utos sa kanya na barilin si Barayuga.
