UMABOT sa ₱774 milyon ang ginastos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong 2017 para sa pagtatayo ng isang pumping station na layong solusyunan ang paulit-ulit na pagbaha sa Tondo, Manila. Ngunit sa halip na maibsan ang problema, lalo pa itong lumala, ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon matapos ang isinagawang inspeksyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Partikular na tinukoy ni Dizon ang Apog Pumping Station sa Tondo, na hindi man lang nagamit mula nang ideklarang kumpleto noong 2020. Ang kalihim ng DPWH noon ay si Senador Mark Villar, na mismong nanguna pa sa inauguration ng proyekto noong 2018 at inilarawan ito bilang “pangmatagalang solusyon” sa pagbaha.
Bagama’t tapos na umano ang pumping station, muling naglaan ng dagdag na ₱94 milyon ngayong taon para sa “repair” ng pasilidad. Gayunman, ipinahinto muna ni Dizon ang proseso at iniutos ang third-party investigation upang alamin kung ano talaga ang dapat ayusin.
“May nakikita tayong pattern—naglalaho ang pondo, nagbabayad, pero ang resulta, substandard o ghost project pa,” ayon kay Dizon. “Baka matapon lang ang halos ₱100 milyon dito.”
Sa naturang inspeksyon, binatikos ni Dizon ang mga opisyal ng DPWH sa rehiyon dahil sa sobrang pondo na inilaan para sa proyektong walang silbi.
“Dapat nakatulong ito, pero mas lalo pang lumala. Noong wala pa ito, mababa lang ang tubig. Ngayon, matapos itayo at hindi naman gumagana, mas lumubog ang Tondo sa baha,” diin ni Dizon.
Maging ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa ilalim ni dating Mayor Isko Moreno ay nagsabing hindi man lang nakipag-ugnayan ang DPWH Metro Manila office at wala ring building permit ang proyekto, dahilan kung bakit hindi ito kailanman naging operational.
“Aren’t we ashamed?” ani Moreno. “Kung tatanungin mo ang mga tao rito, bago ang pumping station, manageable ang baha. Pero nang maitayo ito, naging uncontrollable ang sitwasyon.”
Ayon pa sa DPWH Metro Manila office, kailangan ng dagdag na ₱200 milyon para tuluyang magamit ang pumping station. Ngunit agad itong tinanggihan ni Dizon.
