Suportado ni Sen. Erwin Tulfo ang desisyon ni PBBM na ilipat ang flood control funds para sa mga anti-poverty programs. (Kuha ni ARSENIO TAN)
Buong suporta ang ibinigay ni Senator Erwin Tulfo sa desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ilipat ang ₱36 bilyon mula sa pondo ng flood control projects patungo sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga mahihirap.
Ayon kay Tulfo, na dating namuno sa DSWD at kasalukuyang Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, mas makabubuti na ang pera ay mapunta direkta sa mga tao kaysa sa bulsa ng mga tiwaling opisyal at kontratista.
“Sa halip na DPWH officials, contractors at mga pulitiko ang makinabang, mas gusto kong mapunta ito sa mahihirap at marginalized,” giit ng senador. “Kung sa DSWD mapupunta, diretso itong makararating sa tao.”
Kabilang sa mga programang pondohan ng naturang pondo ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), na nagbibigay ng tulong pinansyal para sa gamot, ospital, burol, at transportasyon, at ang Sustainable Livelihood Program (SLP), na naglalaan ng ₱15,000 bilang panimulang kapital para sa mga komunidad upang makapagsimula ng sariling kabuhayan.
Itinutulak ni Tulfo na maging batas ang SLP sa pamamagitan ng Senate Bill No. 766, upang maging mas matatag at pangmatagalan ang programang pangkabuhayan ng DSWD.
Naniniwala ang senador na kung maraming Pilipino ang mabibigyan ng puhunan sa negosyo, makatutulong ito sa pagbabalik ng sigla ng ekonomiya.
“Kung DSWD ang mamamahala at magbibigay ng kapital para sa negosyo ng mga nangangailangan, ito’y perang talagang may saysay at makabubuti sa bayan,” dagdag ni Tulfo. (ARSENIO TAN)
