Isang bagong bituin ang unti-unting umuusbong sa UAAP Season 88 matapos pasabugin ng rookie center na si Collins Akowe ang depensa ng De La Salle Green Archers para igiya ang UST Growling Tigers sa 93-84 panalo sa Araneta Coliseum nitong Sabado, Setyembre 27.
Bagama’t tahimik sa unang hati ng laro na may 8 puntos at 6 rebounds, bumulusok si Akowe sa second half at nagtala ng kabuuang 20 puntos at 19 rebounds. Sa huling dalawang minuto, dalawang beses niyang tiniklop si La Salle captain Mike Phillips sa ilalim ng ring para itulak ang lamang ng UST sa 11 puntos, 93-82, at tuluyang selyuhan ang 2-0 record ng Tigers.
Hindi nakapigil si Phillips na purihin ang pambatong big man ng UST.
“Napakataas ng motor niya. Dangerous kapag ganyan kalaki ang player tapos may effort at energy pa,” wika ni Phillips. “Sakto siya sa sistema nila, at kitang-kita na mahusay ang coaching sa kanya.”
Dating UAAP juniors’ MVP mula sa NU Nazareth School, si Akowe ay nag-a-average ngayon ng 24.5 puntos at 18 rebounds, dahilan para manguna sa liga sa parehong kategorya kahit baguhan pa lamang.
Para kay Phillips, hindi lang lakas ang puhunan ng rookie.“Hindi siya bwakaw, marunong din siyang maghanap ng kakampi. Isa siya sa pinakamahirap bantayan, at nakaka-excite kasi rookie pa lang siya,” dagdag ng Green Archers skipper. (RON TOLENTINO)
