ISINIWALAT ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na halos lahat ng senador sa 19th Congress ay nagsingit ng hindi bababa sa P100 bilyon na pondo sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
“Sa Senate pa lang, at least P100 bilyon. Nagulat nga ako, sa individual insertions ito, naka-FLR (For Later Release) pa ngayon,” pahayag ni Lacson nitong Linggo.
Ayon sa beteranong mambabatas, noon ay daan-daang milyon lamang ang nakikita niyang insertions bago ideklarang unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
“Ngayon nakita ko ang kabuuan, at least P100 bilyon,” dagdag niya.
Bagama’t hindi awtomatikong ilegal ang insertions o amendments, sinabi ni Lacson na kaduda-duda kung aabot ng ₱5 bilyon hanggang ₱9 bilyon ang halaga ng bawat isa. Plano niyang usisain sa plenaryo kung alin sa mga siningit na pondo ang nailabas na at paano ito ipinatupad.
Samantala, nanindigan si Senador Francis “Chiz” Escudero, dating Senate President, na wala siyang kinalaman sa umano’y “small committee” na nagsagawa ng budget insertions sa Bicameral Conference Committee.
Sinasabing may tatlong paraan ng pagsingit ng pondo: sa National Expenditure Program (NEP), sa bicam, at sa mismong bidding ng mga kontraktor para sa proyekto ng gobyerno.
Muli namang nanawagan si Lacson sa mga kapwa niya mambabatas na magpakita ng self-restraint.
“Kung natuloy ang pulong (Senate at House), sana nanawagan ako ng pagpipigil, lalo na sa local infrastructure projects na hawak ng District Engineering Office. Dapat remedial o corrective measure na ito,” diin niya.
