INIREKOMENDA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kaso laban sa 21 personalidad, kabilang ang tatlong kasalukuyang senador, isang kongresista, dating mambabatas, at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kaugnay umano sa maanomalyang infrastructure projects ng gobyerno.
Sa pahayag ng Department of Justice (DOJ), kabilang sa mga inirekomenda ng NBI na kasuhan ay sina:
- Sen. Francis Joseph “Chiz” Escudero
- Sen. Joel Villanueva
- Sen. Jinggoy Estrada
- Dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
- Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co
- Dating Caloocan Rep. Mary Mitzi “Mitch” Cajayon-Uy
- Dating DPWH Undersecretary Roberto R. Bernardo
- Ex-DPWH Bulacan District Engineer Henry C. Alcantara
- Ex-DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez
- Engineer Jaypee Mendoza
- Engineer Arjay Domasig
- Maynard Ngu
- Carleen Y. Villa
- John Carlo Rivera
- Linda “Victoria” Macanas
- Juanito Mendoza, CPA
- Sally Nicolas Santos
- Jesse Mahusay
- Alias “Andrei Balatbat”
- Alias “Beng Ramos”
- Alias “Mina”
Ayon sa DOJ, ang rekomendasyon ay nakabatay sa sinumpaang salaysay nina Alcantara, Hernandez, Mendoza, at dating Undersecretary Bernardo, na nagsilbing batayan para tukuyin ang mga indibidwal na may preliminaryong kaugnayan sa mga iniimbestigahang anomalya.
Kabilang sa mga matitinding alegasyon ay ang pagkakadawit nina Escudero at Revilla, na umano’y tumanggap ng kickbacks mula sa mga proyektong nakapaloob sa General Appropriations Act (GAA). Ayon kay Bernardo, nakarating kay Escudero ang pera sa pamamagitan ng campaign contributor niyang si Maynard Ngu, habang si Alcantara umano ang personal na nag-abot ng pera kay Revilla.
Idinadawit din si Estrada matapos akusahan ni Alcantara na nakatanggap ito ng pondo, habang si Cong. Zaldy Co ay sinasabing binigyan din ng pera batay sa mga testimonya.
Samantala, lumutang din ang pangalan ni Sally Nicolas Santos ng Syms Construction, na umano’y sangkot sa ghost projects at may transaksiyon sa ilang dating DPWH engineers. Kabilang din si Jesse Mahusay, general manager ng Jelsie Construction and Supply, Inc., at si Beng Ramos, na sinasabing staff ni Estrada at konektado sa isang kontratista na nag-abot umano ng pera sa senador.
Tinanong naman kung bakit hindi isinama sa listahan ang ilang pangalang lumutang sa Senado, gaya ni dating Speaker Martin Romualdez, ipinaliwanag ni DOJ spokesperson Mico Clavano na hindi pa personal na nakapagsumite ng salaysay sa DOJ ang testigo na si Orly Guteza.
Gayundin, nananatili pang “under evaluation” ang kaso laban kay dating Sen. Nancy Binay, ngunit kasama na ang kaniyang aide na si Carleen Villa sa mga irerekomenda.
Nilinaw ng DOJ na ang pagkakasama sa listahan ay hindi base sa tsismis o haka-haka, kundi sa mga sinumpaang salaysay:
“Inclusion in the NBI’s recommendation is not a matter of speculation or rumor. It is the result of sworn testimony under oath,” ayon sa DOJ. (MINA PADERNA)
