MARIING itinanggi ng dalawang personal assistant ng Ako Bicol party-list ang pagkakasangkot nila sa umano’y paghahatid ng mga maletang puno ng pera na idinadawit sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa iregularidad sa mga flood-control project.
Sa magkahiwalay na sinumpaang salaysay, itinanggi nina Mark B. Bunagan ng Taguig at Allan P. Colesio ang pahayag ni Orly Regala Guteza na umano’y sila ay kasama sa mga nagdala ng pera sa mga lugar na iniuugnay kina Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez.
Binigyang-diin ni Bunagan na hindi totoo ang alegasyon na siya’y kinuha bilang “security consultant” ni Co noong Disyembre 2024. Paliwanag niya, nagtrabaho lamang silang dalawa ni Colesio bilang personal assistant ng ibang miyembro ng pamilya Co mula Pebrero hanggang Agosto 2025. Pinagtibay ni Colesio ang naturang pahayag.
Kapwa nila iginiit na hindi sila kailanman nakasaksi o naging bahagi ng anumang paghahatid ng mga maletang puno ng pera.
“Sa buong panahon na kami’y magkasama sa trabaho, wala akong natatandaan, naririnig o nababasa ukol sa umano’y pagdadala ng male-maletang pera. Wala ring pagkakataon na kami ay nagdala o pinagdala ng maleta ng pera sa anumang lugar, lalo na sa 56th Floor ng Horizon Residences at 42 Mckinley St., Taguig City, gaya ng sinasabi ni Orly Regala Guteza,” giit ng dalawa.
Dagdag pa nila, hindi sila pinilit o binayaran para maglabas ng pahayag at handa silang tumestigo sa Senado o sa korte upang patunayan ang kanilang panig.
