INANUNSIYO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes na aabot sa ₱36 bilyong pondo na dating inilaan para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ire-realign upang palakasin ang mga social protection program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kanyang talumpati sa “Kumustahan Kasama ang Huwarang Pantawid Pamilya” sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na ang pondong ito ay gagamitin upang dagdagan ang suporta sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), at Sustainable Livelihood Program (SLP), bukod sa iba pang inisyatiba.
Dagdag pa ni Marcos, kasalukuyang nire-review ng pamahalaan ang posibleng amyenda sa 4Ps Act upang masiguro na ang mga benepisyaryo ay magkakaroon ng kakayahang maging mas matatag at self-sufficient sa pangmatagalan.
Bahagi rin ng pondo ay ilalaan sa Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Program, na nagbibigay ng kabuhayan, kalusugan, edukasyon, at suporta sa imprastraktura para sa mga dating kasapi ng NPA, MNLF, at MILF.
