ARESTADO ang isang babae matapos tangkain umanong magpuslit ng iligal na droga na nakatago sa kanyang pribadong bahagi ng katawan sa Maximum Security Camp ng New Bilibid Prison (NBP) nitong Martes ng hapon.
Kinilala ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang suspek na si Rhea Mercado, rehistradong bisita ng Persons Deprived of Liberty (PDL) na si Edgardo Mercado, na kasalukuyang nakakulong sa Dorm 1C, Quadrant 1 ng MaxSeCamp.
Ayon sa ulat ni NBP Superintendent Corrections Chief Roger Boncales, nagpakita umano ng pag-aatubili si Mercado na dumaan sa X-ray body scanner at humiling pa na gumamit ng palikuran. Doon siya naaktuhan ng isang guwardiya sa kahina-hinalang posisyon, na tila sinusubukang itapon ang isang bagay.
Agad na rumesponde ang bantay at narekober ang isang condom na may lamang puting kristal na substansiya na hinihinalang shabu.
Isinailalim na sa pagsusuri ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Forensic Laboratory ang nakumpiskang ebidensya, habang dinala naman ang suspek sa lokal na himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.
Binigyang-diin ni Catapang na patuloy ang hamon sa BuCor sa pagsugpo ng drug smuggling sa loob ng mga kulungan, at kinilala niya ang kahalagahan ng pagiging alerto ng mga tauhan sa pagtukoy ng kahina-hinalang kilos ng mga bisita.
βAng insidenteng ito ay paalala ng nagpapatuloy na laban kontra droga at ang pangangailangang palakasin pa ang seguridad upang hindi mapasok ng kontrabando ang ating mga pasilidad,β ani Catapang. (MINA PADERNA)
