Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga lider ng Pagkakaisa ng Users, Stakeholders at Obrero ng NAIA (Puso ng NAIA) sa harap ng Asian Development Bank (ADB) sa Pasig City upang kondenahin ang papel ng institusyon sa kontrobersyal na NAIA-NNIC concession agreement. Ayon sa grupo, ang kasunduan ay magpapapasan ng gastusin sa modernisasyon ng paliparan sa mga manlalakbay sa pamamagitan ng malaking pagtaas ng singil at bayarin. (Kuha ni ART TORRES)
Isang koalisyon ng mga manggagawa at pasahero ng paliparan ang umalma laban sa Asian Development Bank (ADB) dahil sa papel nito sa concession agreement para sa modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na anila’y magpapapasan ng dagdag na bayarin sa publiko.
Sa isang kilos-protesta sa harap ng ADB headquarters sa Ortigas nitong Martes, sinabi ni Romy Sauler, head secretariat ng Pagkakaisa ng Users, Stakeholders at Obrero ng NAIA (PUSO ng NAIA) at dating empleyado ng Philippine Airlines, na ang naturang kasunduan ay “unconscionable dictate.”
“Highway robbery na nakadamit bilang development ito,” giit ni Sauler.
“Ang pribadong operator, hindi ang pasahero at manggagawa, ang dapat gumastos para sa modernisasyon ng paliparan.”
Ayon sa grupo, sisimulan na sa Setyembre 14, 2025 ang malaking taas-singil sa NAIA, kasabay ng pagsasabatas ng concession agreement na kinasasangkutan ng San Miguel-led New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC).
Iginiit ni Ding Villasin, secretary general ng labor group na Socialista Inc., na nilabag ng kasunduan ang prinsipyo ng demokrasya at social justice.
“Ang ADB mismo ay may pamantayan sa transparency at konsultasyon sa stakeholders, ngunit sa kasong ito, pinahintulutan nito ang administrasyong Marcos na ipilit ang isang deal na hindi kinokonsulta ang mismong taong magbabayad nito,” aniya.
“Development ito na nakatutok ang baril — anti-worker at anti-consumer.”
Ayon pa kay Sauler, nagpadala sila ng pormal na liham sa ADB noong nakaraang linggo upang humingi ng paglilinaw sa papel nito sa proyekto, ngunit wala pa umanong tugon.
“Sayang, dahil hindi man lang kami nakatanggap ng kahit electronic reply mula sa isang institusyong nagsasabing bukas at tapat itong nakikipagdayalogo,” dagdag niya.
Bumanat din ang koalisyon sa umano’y rekomendasyon ng ADB na pasahero at manggagawa ang mag-shoulder ng gastos sa redevelopment, habang nasisiguro umano ang tubo ng NNIC.
“Hindi kami papayag na gawing gatasan para sa pribatisasyon,” giit ng grupo.
“Ang laban kontra sa hindi makatarungang singil sa NAIA ay laban para sa dignidad ng bawat Pilipinong manggagawa, biyahero at consumer,” dagdag ni Sauler.
