Iginiit ng Philippine Navy na mas handa at mas matatag na ang depensa ng bansa laban sa agresyon ng China sa West Philippine Sea, kumpara sa mga nakaraang taon.
Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Navy sa usapin ng West Philippine Sea, tuloy-tuloy ang pag-angat ng kakayahang militar ng Pilipinas sa nakalipas na 10 hanggang 15 taon, hindi lamang ng Navy, kundi pati ng Air Force at Army.
“Masasabi kong mas malakas tayo ngayon kaysa kahapon,” pahayag ni Trinidad sa isang press forum nitong Sabado.
Gayunpaman, nilinaw niya na hindi pa tapos ang modernisasyon ng Sandatahang Lakas. Kasalukuyan pa rin umanong nagpapatuloy ang pagbili ng mas makabagong kagamitan at barko para sa hukbong dagat.
Tinukoy din ni Trinidad na napatunayan na ng Pilipinas ang kakayahan nitong magpalubog ng barko sa mga isinagawang military exercises, gaya ng Balikatan, kung saan mismong tropa ng bansa ang nag-launch ng missiles mula sa lupa, dagat, at himpapawid.
Tungkol naman sa posibleng mas malawak na deployment ng Navy sa West Philippine Sea kung lalala ang tensyon laban sa China, kinumpirma ni Trinidad na mayroon nang mga barko at eroplano na naka-deploy para sa regular patrol at surveillance flights sa ilalim ng Western at Northern Luzon Command.
Kamakailan, nanawagan si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na pabilisin ang pagpapatupad ng AFP Modernization Program upang makasabay ang bansa sa mabilis na pagbabago ng seguridad at teknolohiya sa rehiyon.
