
Mas lumalala umano ang pagbaha sa Kamaynilaan at iba pang pangunahing lungsod dahil sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na itinayo nang walang sapat na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan.
Isa sa mga umalma si Quezon City Mayor Joy Belmonte na naglantad ng 254 flood control projects ng DPWH sa lungsod, na wala man lang nakuhang certificate of coordination (COC) mula sa city hall bago simulan ang konstruksyon.
“Ako, bilang mayor, umaasa ako na susunod sila sa batas dahil bahagi sila ng gobyerno. Pero sa flood control, hindi nila ito sinunod,” giit ni Belmonte.
Partikular na binanatan ni Belmonte ang P350-milyong Matalahib Creek pumping station sa Barangay Talayan, na itinayo mismo sa ibabaw ng creek. Ayon sa alkalde, labag ito sa city ordinance at Water Code, at siya na mismo ang humihiling na ipatigil at ipademolis ang proyekto.
“Mas bumaha pa tuloy sa mga karatig-barangay. Sayang ang pera kung hindi maayos ang plano,” dagdag niya.
Kinastigo rin ni urban planner at arkitektong si Felino “Jun” Palafox Jr. ang flood control designs ng DPWH.
Ayon sa kanya, 75 porsyento ng mga proyekto ay undersized at luma na dahil nakabase pa sa 25-year return period, gayong ang 100-year typhoons ay halos taon-taon nang nararanasan.
“Ibinigay ko ang 150 recommendations kay Pangulong Marcos Jr. para ayusin ang urban planning at flood control, pero hindi pinansin,” pagbubunyag ni Palafox.
Kamakailan, inamin mismo ni Pangulong Marcos na umabot na sa ₱545 bilyon ang ginastos sa flood control projects mula Hulyo 2022.
Sa halagang iyon, ₱100 bilyon ay napunta lamang sa 15 kontratista, kung saan lima sa kanila ang may hawak ng kontrata sa buong bansa.
Sa kabila ng bilyong pondo, nananatili pa ring lumulubog sa baha ang maraming komunidad, habang nananawagan ang mga LGU ng mas maayos na plano at tunay na konsultasyon.
