Sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Agustin, nagbigay ng mensahe si Pope Leo XIV kung saan hinimok niya ang lahat na maging maingat sa kanilang mga salita at kilos, at laging makinig sa tinig ng Diyos na tanging makapagbibigay ng tunay na kapayapaan sa mundo.
Sa pamamagitan ng isang video message para sa Augustinian Province of St. Thomas of Villanova sa United States, inalala ng Santo Papa ang pamana ni San Agustin at ni San Thomas of Villanova na kinikilala bilang “Ama ng mga Mahihirap.”
Nagpasalamat din siya sa pagkakaloob sa kanya ng Saint Augustine Medal, na aniya ay isang malaking karangalan at pagkilala sa diwa at katuruan ni San Agustin.
“Bago tayo magsalita, dapat muna tayong makinig,” diin ni Pope Leo. “Kapag narinig natin ang tinig ng Diyos, iyon ang ating maibabahagi sa mundo upang maging isa tayo sa Kanya.”
Ibinahagi rin ng Papa na ang buhay ni San Agustin ay puno ng pagsubok at pagkakamali, ngunit sa tulong ng grasya, panalangin ng kanyang ina na si Santa Monica, at patnubay ng komunidad, natagpuan niya ang daan patungo sa kapayapaan.
Binigyang-diin din niya ang halimbawa ng mga unang misyonerong Agustino sa Philadelphia noong ika-18 siglo na buong pusong naglingkod sa mga imigrante.
Ayon sa kanya, ang parehong espiritu ng paglilingkod ang dapat ipagpatuloy ng simbahan ngayon—ang magmahal at maglingkod sa kapwa bilang tanda ng pag-ibig ni Kristo.
“Wag mong ilagay ang iyong puso sa iyong tainga, kundi ang iyong tainga sa iyong puso,” wika ni Pope Leo, na inulit ang aral ni San Agustin.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, ipinagkatiwala ng Papa ang buong pamilyang Agustino kay Birheng Maria, Mother of Good Counsel, at nanalangin na biyayaan ng Diyos ang lahat upang patuloy na bumuo ng pamayanang nagkakaisa sa isip at puso, nakatuon sa Diyos. (LIMUEL TOLENTINO)
