SA loob ng maraming taon, naging karaniwang eksena sa NAIA ang mga pasaherong galing abroad na nakapila nang mahigit kalahating oras hindi para sa security check o immigration, kundi para sa dagdag na QR code scanning na dapat ay “pampabilis” pero sa katotohanan ay pabigat.
Marami ang nagkuwento isang balikbayan mula Canada ang halos maubusan ng pasensya matapos tatlong beses ipasuri ang kanyang QR code dahil “hindi mabasa ng scanner.” May mga senior citizen na galing Middle East na, sa kabila ng jetlag, napipilitang maghintay sa nakakapagod na linya, kahit wala namang laman ang kanilang bagahe kundi tsokolate at pasalubong. Para bang pinarurusahan ang mga pasaherong wala namang nilalabag na batas.
Dito pumasok ang lider na hindi takot magputol ng walang saysay na proseso si Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno. Simula noong Agosto 14, pansamantalang inalis niya ang QR code scanning para sa Green Lane passengers. Simple, diretso, at malinaw ang epekto mas mabilis na paglabas mula sa airport para sa mga pasaherong walang dapat ideklara.
Hindi ito ginawa sa pamamagitan lang ng memo. Personal na bumaba si Nepomuceno sa arrival area, inobserbahan ang daloy ng tao, pinakinggan ang reklamo ng frontline staff, at tinukoy kung saan bumabagsak ang efficiency. Kasama ang mga opisyal ng NAIA at iba pang ahensya, ipinakita niyang hindi siya nakukulong sa mga papel ang reporma niya ay nasa mismong lugar kung saan nangyayari ang problema.
Pero hindi rin siya nagpakampante hindi lahat ay ligtas sa inspeksyon. Ang Red Lane at ang mga napili batay sa intelligence o risk assessment ay mananatiling mahigpit ang pagdaan. Ang mensahe, pinagaan ang proseso para sa matinong biyahero, pero mas lalong pinatindi ang bantay sa mga tuso at abusado.
Sa totoo lang, ang desisyong ito ay hindi lang tungkol sa QR code. Isa itong patunay na kayang alisin ang mga nakasanayang patakaran na walang silbi, basta’t may lider na may tapang at malinaw na direksyon. Sa isang ahensyang madalas mapulaan dahil sa red tape, malaking bagay ang makita ang isang opisyal na handang magbuwag ng tradisyong nagpapabagal sa bayan.
At sa bawat biyaherong makakaranas ng mas maikli at mas maayos na pagdating sa NAIA, malinaw ang magiging alaala may Commissioner na kumilos, hindi nagpalusot, at nilinis ang Green Lane para sa mas maaliwalas na biyahe.
