Photo from shutterstock.com
Lapsing into law na ang “Konektadong Pinoy” bill o mas kilala bilang Open Access in Data Transmission Act kahit hindi pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa Malacañang nitong Linggo.
Kinumpirma ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang balita sa mga reporter. Sa kasalukuyan, wala pang kopya ng batas na nailathala sa Official Gazette.
Layunin ng Konektadong Pinoy law na pabilisin ang licensing process, itaguyod ang infrastructure sharing, at payagan ang mga bagong manlalaro at maliliit na kumpanya na mamuhunan sa data transmission infrastructure nang hindi kailangan ang legislative franchise — na tinukoy bilang isang “outdated” na requirement sa Pilipinas.
Na-ratify ng Kongreso ang enrolled bill noong Hunyo at matagal nang hinihintay ang pirma ng Pangulo. Sa kabila ng pagiging priority measure ng administrasyon, hindi nabanggit ni Marcos ang status nito sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Nagpadala rin ng liham sa Pangulo noong Hulyo ang mga pinuno ng pinakamalalaking telco at internet providers sa bansa — PLDT Inc., Smart Communications, Globe Telecom, Converge ICT Solutions, at DITO Telecommunity Corp. — upang isauli ang bill sa Kongreso para sa karagdagang deliberasyon.
Ayon sa kanila, wala silang na-consult sa legislative process at may isyu sa national security. Dagdag pa ng PLDT na pamumunuan ni tycoon Manny Pangilinan, balak nilang kwestyunin ang pagiging constitutional ng batas.
Sa ilalim ng batas, ang lapse into law ay nangyayari kapag hindi pinirmahan ng Pangulo ang isang panukalang batas sa loob ng 30 araw matapos itong ma-enroll sa kanya.
