Magandang balita ang hatid ng Rizal Provincial Police Office (Rizal-PPO): nananatiling insurgency-free ang lalawigan, ayon kay PCol. Feloteo Gonzalgo. Matapos ideklarang ligtas laban sa insurhensiya noong Setyembre 23, 2024, patuloy na iginigiit ng mga awtoridad na wala nang guerilla front sa probinsya at tanging mga naglalakbay na grupo mula Quezon patungong Bulacan na lang ang natitira.
Ito ay dapat ipagdiwang. Isang patunay na ang matagal na banta ng armadong pakikibaka ay humina na, at ang dating mga rebelde ay mas pinipiling magbalik-loob sa gobyerno upang mamuhay nang payapa. Lalo pang pinagtitibay ito ng mga programang gaya ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na nagbibigay ng livelihood assistance sa mga nagbalik-loob na rebelde.
Ngunit habang nakakahinga ng maluwag, hindi dapat mawalan ng pagbabantay. Inamin mismo ni Gonzalgo na may mga lugar pa gaya ng Montalban at Tanay na patuloy nilang mino-monitor. Ang mga relocation sites at mga pamayanang salat sa trabaho at oportunidad ay nananatiling bulnerable sa panghihikayat ng mga underground movement.
Dito nakasalalay ang tunay na laban: hindi na sa larangan ng baril at bundok, kundi sa larangan ng kabuhayan, edukasyon, at serbisyong panlipunan. Hangga’t may mga pamilyang gutom, walang trabaho, at walang tiwala sa pamahalaan, mananatili ang panganib na muling sumibol ang mga binhi ng insurhensiya.
Ang pamahalaang lokal at pambansa ay dapat magpatuloy sa pagbibigay ng konkretong solusyon sa kahirapan. Ang “kapayapaan” ay hindi lamang kawalan ng putukan kundi presensiya ng katarungan at kaunlaran.
Ang Rizal ay maaaring maging huwaran ng isang lalawigang tunay na mapayapa—ngunit mangyayari lamang ito kung mananatiling bukas ang mata, mabilis ang tugon, at malinaw ang malasakit ng pamahalaan para sa mga mamamayan nito.
