Pinapurihan ng Department of Education – National Employees Union (DepEd-NEU) ang desisyon ni Education Secretary Sonny Angara na magtalaga ng mga bagong abogado sa lahat ng Division Offices ng kagawaran.
Ayon kay DepEd-NEU National President Atty. Domingo Alidon, matagal na nilang ipinaglalaban ang pagkakaroon ng permanenteng legal officers sa bawat dibisyon upang direktang masuportahan ang mga Schools Division Superintendent (SDS).
“Ang pangunahing tungkulin ng ating mga superintendent ay pamunuan at i-manage ang edukasyon. Pero dahil sa dami ng reklamo, legal issues, at administrative concerns, madalas silang napipilitang gampanan ang mga gawaing hindi naman pangunahing bahagi ng kanilang mandato. Kaya malaking tulong na ngayon ay may permanenteng abogado na sa lahat ng division offices,” ani Alidon.
Sa ilalim ng dating sistema, mga abogado mula sa regional offices lamang ang inaasahan para tugunan ang pangangailangan ng maliliit na division offices. Dahil dito, nagkakaroon ng delay at backlog sa pagresolba ng mga kasong legal at administratibo. Ngayon, nakatalaga na ang mga abogado mismo sa bawat dibisyon para agarang tumugon sa mga legal investigation, procurement processes, administrative functions, at iba pang legal na usapin.
Ayon kay Alidon, matagal nang tinutulak ng unyon ang panukalang ito mula pa noong Rationalization (RAT) Plan ng 2006 at 2014, ngunit noon ay hindi naisakatuparan dahil kinlaster lamang sa regional offices ang mga abogado. “Ngayon lang natupad ang matagal na naming panawagan, at malaking kaginhawaan ito para sa mga superintendents at mga empleyado,” dagdag pa niya.
Bukod sa mga abogado, nag-hire din ang DepEd ng mga Executive Officers, Administrative Officers, at iba pang kaukulang posisyon upang gampanan ang mga gawaing non-teaching workload na dati’y pinapasan ng mga guro. Dahil dito, nabawasan ang bigat ng trabaho ng mga guro at mas natutukan nila ang kanilang pangunahing tungkulin—ang pagtuturo sa mga kabataan.
“Bagama’t hindi pa sapat ang bilang ng bagong tauhan, ito ay isang malaking hakbang tungo sa mas mahusay at mas mabilis na serbisyo publiko,” ayon kay Alidon.
Dagdag pa niya, sa pagpapatupad ng Rightsizing Law ay mas matutugunan pa ang pangangailangan ng DepEd sa karagdagang manpower.
Batay sa pagtataya ng unyon, humigit-kumulang 50,000 non-teaching personnel pa ang kinakailangan nationwide upang tuluyang maibsan ang bigat ng mga ancillary functions na ipinapasa mula sa teaching personnel patungo sa non-teaching staff.
Ayon kay Alidon, sa kabila ng mga hamon, malaking hakbang ito para mapahusay ang kalidad ng edukasyon at masiguro na ang mga guro ay nakapokus lamang sa pagtuturo, habang ang mga non-teaching staff at legal officers ay tututok naman sa suporta at administrasyon.
“Muli, lubos naming pinasasalamatan si Secretary Sonny Angara sa kanyang malinaw na pagkilala sa pangangailangan ng DepEd workforce. Ito ay hakbang na tiyak na magpapabuti sa kalidad ng serbisyo para sa ating mga guro, non-teaching personnel, at higit sa lahat, para sa ating mga mag-aaral,” pagtatapos ni Alidon.
