RODRIGUEZ, RIZAL – Bagsak sa kulungan ang tatlong hinihinalang tulak ng droga matapos mahuli sa isang buy-bust operation ng pulisya at PDEA madaling-araw ng Lunes, Agosto 11, sa Southville 8B, Brgy. San Isidro.
Kinilala ang mga nadakip na sina alyas Tati, alyas Taga, at alyas Yvonne. Ayon sa Rodriguez Municipal Police Station (MPS), pasado alas-12:15 ng madaling-araw nang mahuli ang mga suspek matapos ang matinding surveillance at koordinasyon sa PDEA (control no. 10005-082025-0371 at 10005-082025-0379).
Nasamsam sa kanila ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 70 gramo at street value na P476,000, isang P1,000 marked money, P800 cash, pouch, mga ID ng dalawang suspek, at isang kaha ng sigarilyo.
Kuhang-kuha sa video ng Alternative Recording Device (ARD) ang buong operasyon. Dinala na sa Rizal Provincial Forensic Unit ang mga suspek para sa drug test at forensic exam ng ebidensya.
Nahaharap ngayon sina Tati at Taga sa kasong paglabag sa Section 5 (benta) at Section 11 (possession) ng RA 9165, habang si Yvonne ay kakasuhan sa Section 11.
