Sa pagdiriwang ng 75 taon ng GMA Network, inilunsad nito ang isang makabagbag-damdaming station ID na pinagsama-sama ang mga pinakamalalaking Kapuso stars at personalidad upang iparating ang isang taos-pusong pasasalamat: “Kapuso, maraming salamat.”
Sa temang “Forever One with the Filipino,” nagsilbing pagpupugay at pagpapasalamat ang station ID sa matatag na samahan ng Network at mga manonood nito mula pa noong ito’y nagsimula bilang isang radio station hanggang sa maging nangungunang broadcast network ng bansa.
Binuksan ang video ng mga Kapuso Primetime King at Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, kasama sina Asia’s Multimedia Star Alden Richards, multi-awarded broadcast journalist Jessica Soho, Kapuso Comedy Genius Michael V., at iba pang kilalang personalidad tulad nina Mel Tiangco, Heart Evangelista, Dennis Trillo, at Jennylyn Mercado.
Sabay-sabay nilang ibinahagi ang mensaheng:
“Kapuso, maraming salamat sa inyong pagmamahal, sa inyong walang sawang pag-suporta, sa pagtitiwalang patuloy n’yong ibinibigay, sa inyong matatamis na ngiti, sa mahigpit n’yong yakap na damang-dama naming lahat, at sa inyong pagtanggap sa amin sa inyong puso at tahanan.”
Nagdagdag ng sigla ang mga Sparkle stars tulad nina Barbie Forteza, David Licauco, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Ruru Madrid, Bianca Umali, at marami pang iba. Kasama rin sa pagdiriwang ang mga paboritong personalidad tulad ni Boy Abunda at Comedy Concert Queen AiAi delas Alas.
Hindi rin nagpahuli ang mga award-winning journalists ng GMA Integrated News at Public Affairs, kabilang sina Vicky Morales, Emil Sumangil, Arnold Clavio, at iba pa, na naging bahagi rin ng makapangyarihang pag-alala.
Ang tema ng station ID ay ang kantang “Isa Sa Puso ng Pilipino” na inawit ni Julie Anne San Jose kasama ang ibang Kapuso singers, sinamahan ng tugtugin ng Orchestra of the Filipino Youth (OFY). Ang mga lyrics ay likha nina Brian James Camaya, Christine Autor, Samantha Toloza, at Rina L. Mercado, habang ang komposisyon ay mula kay Rina L. Mercado.
Pinamahalaan naman ni Rocky S. Gacho ang produksyon ng jingle na nagsisilbing makulay na pasasalamat ng GMA Network sa kanyang mga tagasuporta sa mahigit pitong dekada ng serbisyo.
