Nilinaw ng Malacañang na ang naging boto ng Senado para i-archive ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil wala naman umanong direktang kinalaman ang ehekutibo sa naturang proseso.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang impeachment proceedings ay inisyu ng House of Representatives, hindi ng ehekutibo.
“Hindi ang ehekutibo ang nagsampa o nag-submit ng Articles of Impeachment kundi ang House of Representatives,” pahayag ni Castro sa isang panayam habang sakay ng presidential plane pauwi ng Maynila matapos ang limang araw na state visit ni Pangulong Marcos Jr. sa India nitong Agosto 8.
Dagdag niya, kung mayroon mang tinutukoy na naapektuhan ng desisyon ng Senado, ito ay mas malamang na House prosecutors at mga naghahanap ng katotohanan sa alegasyon ng anomalya sa pondo, at hindi ang administrasyon.
Binigyang-diin din ni Castro na igagalang ni Marcos Jr. ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa motion for reconsideration na inihain ng Kamara.
“Noon pa natin sinagot ito. Kung anuman ang magiging desisyon ng Supreme Court, yan ay igagalang ng Pangulo, ng Ehekutibo. Bakit? Because the Supreme Court is the final arbiter of any legal issues,” paliwanag niya.
