Patay ang isang 46-anyos na caretaker matapos barilin habang nag-iinuman sa Sariaya, Quezon, ayon sa ulat ng Police Regional Office Calabarzon (PRO-4A).
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente bandang 7:50 ng gabi nitong Biyernes sa Sitio Pulo, Barangay Manggalang 1.
Ayon sa pulisya, nag-iinuman ang biktima kasama ang mga kaibigan sa terasa ng bahay nang dumating ang isang hindi pa nakikilalang suspek at bigla na lang itong pinaputukan nang sunod-sunod. Dead on the spot ang biktima dahil sa mga tinamong tama ng bala.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang salarin sakay lamang ng sariling mga paa dala ang ginamit na baril. Wala pang detalye kung saan ito tumakas.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng CCTV review at panayam sa mga saksi ang pulisya upang makilala ang salarin, habang nagpapatuloy ang dragnet operation para madakip ito. (KOI HIPOLITO)
