Tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian na sisikapin niyang maabot — at posibleng lampasan pa — ang 4% ng Gross Domestic Product (GDP) para sa pondo ng sektor ng edukasyon sa 2026, alinsunod sa matagal nang panawagan ng mga education advocates sa bansa.
Bilang chair ng Senate finance committee, sinabi ni Gatchalian na handa siyang ilaan ang prayoridad sa edukasyon upang patunayan na mas malaking budget ang susi sa paglutas ng krisis sa edukasyon.
“Hindi ibig sabihin nito ay binabalewala natin ang ibang sektor. Bibigyan lang natin ng mas mataas na prayoridad ang edukasyon,” ani Gatchalian.
Sa panukalang ₱6.793 trilyong budget para sa 2026, nakatuon ang plano sa “back to basics” approach — pagpapalakas ng literacy at numeracy mula kindergarten hanggang Grade 3, pagpopondo sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, at pagbabalik ng cost-sharing scheme ng national at local governments para sa classroom construction.
Kasama rin sa plano ang pag-hire ng mas maraming teacher aides upang maibsan ang non-teaching tasks ng mga guro at mapokus sila sa pagtuturo.
Matagal nang nananawagan ang mga teacher group na maglaan ng hindi bababa sa 4% ng GDP para sa edukasyon.
Noong 2025, iginiit ng administrasyong Marcos na edukasyon ang may “lion’s share” ng budget, ngunit binatikos ito dahil isinama pa ang pondo para sa military at police academies.
