Nagbukas ang Department of Health (DOH) ng mga espesyal na “leptospirosis fast lanes” sa piling pampublikong ospital sa buong bansa upang mas mabilis na ma-assess at magamot ang mga pasyenteng posibleng nahawa matapos lumusong sa baha.
Ayon sa DOH, umabot na sa 2,396 kaso ng leptospirosis ang naitala mula Hunyo 8 hanggang Agosto 7, 2025. Isa sa mga biktima si Romeo Fernandez, 58, isang mekaniko mula Barangay Obrero, Quezon City, na pumanaw matapos magkasakit ilang araw na nagtatrabaho sa ilalim ng malakas na ulan. Ayon sa kanyang biyuda na si Marife, nakaranas si Fernandez ng lagnat, pananakit ng katawan, pamamanas, paninilaw ng mata at pamamaga ng tiyan bago bawian ng buhay noong Agosto 4.
Sa Metro Manila, nag-uumapaw na ang mga ospital sa dami ng admission. Sa Philippine General Hospital (PGH), 300% na ang overcapacity ng emergency room kahit bumaba mula sa dating 400%. Sa East Avenue Medical Center, lagpas na rin sa normal bed capacity ang mga pasyente, habang sa San Lazaro Hospital, 124 sa 125 nakalaang kama para sa leptospirosis ang okupado.
Sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), karamihan sa mga pasyente ay nasa malubhang kondisyon, kung saan 75% ang naka-dialysis at ilan ay naka-ventilator, ayon kay Dr. Romina Danguilan.
Upang maibsan ang bigat sa ospital, nagtalaga ang DOH ng 19 Leptospirosis Fast Lanes sa mga ospital kabilang ang San Lazaro Hospital, PGH, NKTI, East Avenue Medical Center, at iba pa. Sa mga fast lanes, mabilis na nae-evaluate ang mga lumusong sa baha upang malaman kung kailangan silang ma-admit at kung dapat bigyan ng doxycycline bilang pangontra o gamot.
Nagbabala ang DOH sa publiko na iwasang lumusong sa baha, lalo na kung may sugat, at agad magpatingin sa doktor para sa tamang preventive treatment sakaling ma-expose.
