
Matapos ang serye ng reklamo ng mga pasaherong nabiktima ng overcharging, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) nitong Lunes, Agosto 4 ang lisensya ng 11 taxi at TNVS (Transport Network Vehicle Service) drivers na nambiktima umano ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang 90-araw na preventive suspension ng lisensya ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tugisin ang mga abusadong tsuper ng pampublikong sasakyan na nananamantala sa mga pasahero.
“Akala yata ng iba ay ningas-kugon lang ang kampanya natin. Nagkakamali sila. Itong 11 drivers na ito ay patunay na seryoso tayo,” giit ni Mendoza.
Dagdag pa niya, malinaw ang direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista at NAIA head Secretary Ricky Dizon na walang palalagpasin sa mga reklamong ito dahil nasisira ang imahe ng mga lehitimo at matinong taxi at TNVS drivers.
Ayon sa imbestigasyon ng LTO-Intelligence and Investigation Division sa pamumuno ni Chief Renante Melitante, lumalabas na ang mga sangkot na drivers ay naningil ng ₱200 hanggang ₱700 kahit maikling biyahe lamang mula NAIA Terminal 1 patungong Terminal 3.
Ang suspensyon ay resulta ng isinagawang joint operation ng LTO at PNP Aviation Security Group laban sa mga driver na sangkot sa contracting, snubbing, at sobrang paniningil.
Inisyu na rin ang Show Cause Order (SCO) sa mga nasabing drivers upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat tuluyang kanselahin ang kanilang lisensya.
“Inutusan na rin namin silang agad na isuko ang kanilang lisensya. Sa ginawang pananamantala, matagal-tagal o baka hindi na sila makapagtrabaho muli bilang taxi o TNVS driver,” babala ni Mendoza.
Ang hakbang ng LTO ay hiwalay pa sa legal na proseso ng LTFRB na susuri sa franchise ng mga sasakyan ng 11 driver na nasangkot.
Nagde-deploy na rin ng regular na tauhan ang LTO sa mga NAIA terminal upang agad marespondehan ang mga reklamo at maprotektahan ang mga pasahero.
