Umapela ang House of Representatives sa Senado na huwag munang bumoto kung itutuloy o hindi ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, kasunod ng hindi pa pinal na desisyon ng Korte Suprema na idineklarang unconstitutional ang mga Articles of Impeachment.
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Kamara, magsusumite sila ng Motion for Reconsideration upang kuwestyunin ang desisyon ng Supreme Court, kaya’t nararapat lamang aniya na hintayin muna ang magiging pinal na hatol bago gumawa ng anumang hakbang ang Senado.
“Para sa usaping ganito ka-transcendental, lalo pa’t may factual errors na pinagbabatayan ng legal conclusions, mas mainam na bigyang daan muna ang Korte Suprema para marinig ang panig ng Kamara,” ani Abante nitong Sabado, Agosto 2.
Babala niya, kung agad-agad na kikilos ang Senado—tulad ng pagboto para ibasura ang kaso—maaaring mabahiran ito ng isyung paglabag sa due process at ng shortcut na pulitikal na lumalabag sa mandato ng Saligang Batas.
Ito ay matapos ianunsyo ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na tatalakayin ng Senado ang epekto ng desisyon ng Supreme Court sa isang sesyon sa darating na Miyerkules, Agosto 6.
Naglabas ng pahayag ang Kamara isang araw matapos sabihing ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na nasa 19 hanggang 20 senador ang malamang na susunod sa naging desisyon ng Korte Suprema.
Giit ni Abante, kailangang igalang ang proseso at panatilihin ang checks and balances ng Konstitusyon. “Nanawagan kami sa aming mga mahal na senador na maging mahinahon at maghintay hanggang sa tuluyang matapos ang proseso sa hudikatura,” dagdag niya.
Patuloy ang tensyon sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso habang hinaharap nila ang isang impeachment case na hindi lang kontrobersyal kundi bihira sa kasaysayan—at ngayo’y nasa sentro ng usaping legal at pulitikal sa bansa.
