Kahit matagal nang pumanaw ang Comedy King na si Dolphy, patuloy pa rin umanong tumatanggap ng tinatawag niyang “allowance” ang anak niyang si Epy Quizon — isang pruweba raw ng matalinong pamamahala sa iniwang yaman ng kanilang ama.
Sa isang vlog ni Julius Babao na may pamagat na “Exclusive! Ang mga iniwan ni Comedy King Dolphy sa anak na si Epy Quizon,” inilahad ni Epy ang tunay na kalagayan ng kanilang pamilya pagdating sa pinansyal na aspeto, at tinuldukan ang mga haka-hakang bilyonaryo raw ang mga Quizon.
“Hindi po totoo na sobrang yaman namin. Malaki ang negosyo, totoo ‘yon, pero dalawampu kami magkakapatid. Technically, 18 pero ang hati ay sa 20. Ang natatanggap namin ay parang royalty,” ani Epy.
Dagdag pa niya, “Sapat lang siya para matawag kong ‘allowance’ na galing pa rin sa tatay ko.”
Ayon kay Epy, mula pagkabata hanggang ngayon na malapit na siyang mag-52 taong gulang, tuloy pa rin ang biyayang hatid ni Dolphy sa kanilang pamilya. Hindi man bilyonaryo ang kanilang estado, nabubuhay sila sa tinatawag na passive income — salamat sa maayos na pamamahala ni Eric Quizon, kapatid niyang direktor at aktor din.
“Lahat kami, pati na ‘yung mga anak na sumakabilang-buhay na, may parte pa rin ang mga anak nila. Kaya kahit apo sa tuhod ni tatay, makikinabang pa rin,” ani Epy.
Ipinaliwanag din niya na idinisenyo ang sistema ng royalty sharing para sa pangmatagalang benepisyo ng buong angkan.
“Syempre, paliit nang paliit ang share habang lumalaki ang pamilya, pero sinigurado na may natitira para sa susunod na henerasyon,” paliwanag pa niya.
Sa huli, labis ang pasasalamat ni Epy sa kanyang ama. Aniya, hindi man marangya, sapat at payapa ang kanyang pamumuhay — isang patunay na hindi lang katawa-tawa kundi pati maabilidad sa buhay si Dolphy bilang ama at haligi ng tahanan.
