
Habang marami ang nakalimot nitong August 1, hindi nakalimot si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima sa ika-16 anibersaryo ng pagkamatay ng yumaong dating pangulong si Corazon “Tita Cory” Aquino.
Sa kanyang Facebook post, taos-puso niyang pinasalamatan si Tita Cory sa:
“Tapat na paglilingkod, pagtindig laban sa diktadurya, at pamanang demokrasya.”
Ani De Lima, sama-sama nilang ipagpapatuloy ang laban ng People Power para sa isang gobyernong may tunay na pananagutan at kapangyarihang nagmumula sa taumbayan.
Kasama rin sa post ang isang makabuluhang kasabihan mula mismo kay Tita Cory, na kilala bilang ina ng modernong demokrasya sa Pilipinas.
Noong 1986, sa pamamagitan ng mapayapang EDSA People Power Revolution, pinatalsik ni Cory ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at naging unang babaeng pangulo ng Pilipinas.
Siya rin ang ina ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at asawa ng yumaong senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
