Mas pinaigting na no parking policy ang nakatakdang ipatupad sa Metro Manila matapos pag-usapan sa pulong ng Metro Manila Council (MMC) ang panukalang pagbabawal sa street parking bilang tugon sa lumalalang trapiko sa rehiyon.
Iminungkahi ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang all-day street parking ban mula 5:00 a.m. hanggang 10:00 p.m., habang si MMDA Chair Romando Artes ay nagrekomenda ng limitadong pagbabawal tuwing rush hours — 7:00 a.m. hanggang 10:00 a.m. at 5:00 p.m. hanggang 8:00 p.m.
“Layunin naming gawing mas maayos, mas ligtas, at mas mabuting tirahan ang Metro Manila,” ani Remulla sa ginanap na pulong sa Camp Crame nitong Biyernes.
Ang mga panukala ay sakop ng secondary at tertiary roads tulad ng mga city, barangay at inner roads, habang nananatiling strictly no parking 24/7 sa mga pangunahing daan gaya ng EDSA at Mabuhay Lanes.
Isang Technical Working Group (TWG) ang bubuuin upang pag-aralan kung paano ito maisasakatuparan sa bawat lungsod, lalo’t aminado ang mga opisyal na hindi pare-pareho ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
“Iba ang applicable sa Manila, iba sa Malabon o Pateros. Pero gusto natin ng cohesive approach na mapagkakaisahan ng lahat ng mayor,” paliwanag ni Remulla.
Inaasahang maglalabas ng pinal na resolusyon ang Metro Manila Council sa Setyembre 1, matapos ang masusing konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan.
Sa parehong pulong, muling nahalal si San Juan City Mayor Francis Zamora bilang presidente ng MMC, sa kanyang ikalawang termino simula nang unang mahalal noong 2022.
Bagamat bukas si Zamora sa solusyong trapiko, iginiit niyang hindi praktikal ang total parking ban sa lahat ng lugar.
“’Yong ibang kalye, hindi naman talaga dinadaanan. Kung gano’n, bakit mo iba-ban ang parking doon?” tanong ni Zamora.
Nagpahayag din ng pag-aalinlangan si Makati City Mayor Nancy Binay sa total ban.
Makati City Mayor Nancy Binay ay naghayag din ng pag-aalinlangan sa total ban.
“Mukhang mahihirapan kami. Sa Makati, magiging isyu ang secondary at tertiary roads,” aniya. “Pero maganda na may TWG para ma-map out kung saan talaga ipapatupad.”
Samantala, Mandaluyong Mayor Menchie Abalos ay nagsabing susunod siya sa anumang pasya ng konseho.
“Kung may utos na ganyan, wala akong magagawa, ‘di ba?” ani Abalos.
