
Bagong chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, at Rural Development na si Senator Erwin Tulfo ay muling nagpakita ng suporta sa mga planong pagbabago sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD
Sa isang konsultasyon kasama si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian nitong July 31, inamin ni Tulfo na may mga benepisyaryong ‘medyo naabuso’ ang programa—‘yun na nga raw, sobra-sobra na ang natatanggap habang may iba pang naghihintay sa pila!
“Gusto ng Pangulo na pag-aralan ito ng mabuti. May backlog tayo, pero yung iba sobra na ang panahon sa 4Ps,” ani Tulfo, dating DSWD secretary.
Giit ng senador, di patas na paulit-ulit lang na tinutulungan ang iilang pamilya, habang milyon-milyon ang naghihintay na makatanggap ng tulong.
“Gagawa kami ng batas para rito. Dapat pantay-pantay ang pagtulong,” dagdag niya.
Ipinahayag din ni Gatchalian na isa sa mga planong amyendahan ang 7-taong limit sa benepisyaryo, dahil kung hindi, aabot ng 2.4 milyon ang mapipilitang umalis sa programa kahit di pa umunlad ang kanilang kalagayan.
Kasama pa sa mga proposal ang programa para sa entrepreneurship ng mahihirap, interbensyon para sa mga matatanda at pag-institutionalize ng mga existing DSWD programs gaya ng Sustainable Livelihood Program at Kalahi-CIDSS.
