Buo ang suporta ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila kay San Juan City Mayor Francis Zamora matapos siyang muling mahalal bilang pangulo ng Metro Manila Council (MMC) sa ikalawang termino nito.
Sa isang opisyal na pahayag, taos-pusong nagpasalamat si Zamora kay MMDA Chairman Don Artes at sa kanyang kapwa mga mayor sa pagbibigay muli ng tiwala sa kanyang liderato.
“Muli, maraming, maraming salamat po sa inyong tiwala at suporta!” ani Zamora.
Bilang pinuno ng MMC—ang policy-making body ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)—ipinangako ni Zamora na magkakaisa ang mga lungsod para solusyunan ang mga suliranin sa trapiko, pagbaha, pamamahala ng basura, kapayapaan at kaayusan, at ang pangangailangan para sa planadong urbanong pag-unlad.
“I reaffirm my commitment to work collaboratively with all stakeholders… improving the quality of life of the people of Metro Manila,” dagdag pa ni Zamora.
Ito na ang ikalawang termino ni Zamora bilang MMC president, at inaasahang mas paiigtingin pa nito ang koordinasyon ng mga lungsod at munisipyo sa gitna ng mga problemang patuloy na kinakaharap ng rehiyon.
