RAYONG, THAILAND – Isang 44-anyos na lalaki mula sa Ban Chang District ang natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanyang kwarto matapos ang isang buwang pag-inom ng alak lang at pag-ayaw sa pagkain matapos siyang iwan ng kanyang asawa.
Kinilala ang biktima na si Thaweesak Namwongsa, na ayon sa kanyang 16-anyos na anak, beer lang ang iniinom ng kanyang ama mula nang sila’y maghiwalay ng ina. Araw-araw pa raw siyang nagluluto ng mainit na pagkain para sa ama pero ni hindi ito tinitikman ni Thaweesak na mistulang nilamon ng matinding depresyon.
Ayon sa anak, pag-uwi niya galing eskwela, nadatnan niya ang ama na wala nang malay at tila sinumpong ng seizure. Agad niyang tinawagan ang mga rescue workers mula sa Siam Rayong Foundation, pero huli na ang lahat – patay na si Thaweesak.
Sa imbestigasyon, nakita ng mga awtoridad ang mahigit 100 basyong bote ng beer sa loob ng kwarto, nakapila pa raw ito sa gilid ng kama na tila nagsisilbing “beer wall” na may makitid na daan papasok at palabas.
Posibleng sobrang pagkalango sa alak ang sanhi ng kanyang kamatayan, ayon sa mga imbestigador. Isasailalim pa sa autopsy ang katawan ni Thaweesak para sa pinal na resulta.
Matatandaang noong nakaraang taon, isang kilalang Thai influencer na si Thanakarn Kanthee o mas kilala sa online name na “Bank Leicester”, ang namatay din matapos lumaklak ng dalawang bote ng whisky sa isang party challenge. Inalok umano siya ng 30,000 baht (₱75,000) para ubusin ang alak sa loob ng 20 minuto.
Natumba si Bank matapos ang inuman, na-comatose, at binawian ng buhay dahil sa alcohol poisoning.
Inaresto naman ng mga pulis ang lalaking nag-utos ng challenge, si Ekkachart Meephrom, na umaming ang kanyang ina mismo ang nag-organisa ng party.
Ang dalawang trahedyang ito ay muling paalala na hindi alak ang lunas sa heartbreak. Sa halip na makalimot, lalo lang itong naglalapit sa bingit ng kamatayan. (LIMUEL TOLENTINO)
