Matinding lungkot ang bumalot sa puso ng komedyanteng si Rufa Mae Quinto matapos kumpirmahin ang pagpanaw ng kanyang dating asawa na si Trevor Magallanes sa Amerika.
Sa isang emosyonal na post sa Instagram noong Hulyo 31, sinabi ni Rufa Mae na kasalukuyan silang naglalakbay ng kanyang anak na si Alexandria Athena patungong US upang alamin ang tunay na sanhi ng kamatayan ni Trevor.
“Hope u give us time to mourn his loss especially my daughter… We are still gathering factual information about his death,” ani Rufa sa kanyang post.
Walang ibinigay na detalye kung paano pumanaw si Trevor, na isang Filipino-American financial analyst, at kasalukuyang nagsasagawa pa raw ng beripikasyon ang pamilya.
Mariing pakiusap ng aktres sa publiko na huwag nang magpakalat ng espekulasyon o maling impormasyon tungkol sa nangyari.
“Please wait for the official announcement surrounding his death from me & his family only,” dagdag pa niya.
Sa pagtatapos ng kanyang post, iniwan ni Rufa ang isang makahulugang pamamaalam:
“Hanggang sa huli… Hanggang sa muli. Mahal kita, Trev.”
Nagpakasal sina Rufa at Trevor sa isang Christian ceremony sa Blue Leaf Cosmopolitan sa Quezon City noong Nobyembre 25, 2016. Biniyayaan sila ng isang anak na babae, si Alexandria Athena, noong Pebrero 2017.
Bagama’t nagkaroon ng pagsubok sa relasyon nitong mga nakaraang buwan, sinabi ni Rufa noong Enero na hindi niya balak mag-file ng divorce. Ngunit sa isang panayam nitong Mayo, kinumpirma niyang hiwalay na sila at igagalang na lamang ang desisyong ayaw na rin ni Trevor.
Sa gitna ng dagok, humihiling si Rufa ng panalangin at respeto para sa kanyang anak at sa buong pamilya ni Trevor.
