Muling umapela si Vice President Sara Duterte para sa pansamantalang pagpapalaya (interim release) ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) Detention Center sa The Hague, Netherlands.
Sa kanyang talumpati sa ginanap na “Bring FPRRD Home Alive” event sa Seoul, binigyang-diin ng Pangalawang Pangulo na handang humarap ang dating Pangulo sa mga pagdinig at walang balak tumakas sa kaso.
“Paulit-ulit na niyang sinabi na haharap siya sa trial. Ang tanging kinatatakutan nila ay baka raw mawala ang akusado. Pero hindi siya aalis. Wala siyang balak magtago. Walumpung taong gulang na siya at may karamdaman. Kung hahanapin man siya, alam ng lahat na nasa Davao lamang siya,” ani Duterte.
Dagdag pa ni Vice President Duterte, walang ebidensyang nagpapakita na pinakialaman o sinabotahe ng dating Pangulo ang proseso ng imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyong extrajudicial killings noong panahon ng kanyang administrasyon.
“Lahat ng mga testigo, kabilang ang mga bumabatikos sa kanya, ay buhay pa hanggang ngayon. Ipinapakita lang nito na hindi siya humadlang sa imbestigasyon o sa proseso ng hustisya,” aniya.
Bukod sa panawagan para sa pansamantalang paglaya, muling iginiit ni Vice President Duterte na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa kaso, dahil umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute isang taon bago magsimula ang imbestigasyon.
“Nagsimula silang mag-imbestiga matapos tayong opisyal na umatras sa ICC. Ayon sa mga umiiral na patakaran, wala na silang kapangyarihang magsagawa ng aksyon matapos ang withdrawal ng isang bansa. Kung hahayaan ito, wala nang hangganan ang kanilang saklaw,” paliwanag ng Bise Presidente.
Ayon pa sa kanya, isinumite na ng legal team ng dating Pangulo ang mosyon upang hilingin ang pagbasura sa kaso bunsod ng kawalan ng hurisdiksyon ng korte.
“Ang panawagan ng aming pamilya at ng kaniyang mga tagasuporta: payagan siyang pansamantalang makauwi sa Davao at makapagpahinga,” dagdag ni Duterte.
Sa ngayon ay hinihintay ang tugon ng ICC sa naturang apela.
