Swak sa kulungan ang dalawang suspek matapos mahulihan ng halos 40 gramo ng shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Guinayang, San Mateo, Rizal nitong Hulyo 20, 2025!
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Ronald at alyas Anjenet, na inaresto ng Station Drug Enforcement Team ng San Mateo MPS sa bisa ng koordinasyon sa PDEA (Coordination No. 10005-072025-0665).
Naaktuhan ang dalawa pasado alas-10:32 ng gabi sa 13 Road 2, Gravel Pit Street, habang nagbebenta umano ng ilegal na droga.
Sa harap ng mga testigo na sina Barangay Kagawad Vivian G. Dela Paz at Media Representative Rodel Jose Sulit, nakumpiska mula sa mga suspek ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 38.45 gramo, may street value na P261,460.00, itim na coin purse, isang digital weighing scale, dalawang android phone at isang P500 marked money (serial no. AR 6417752) na ginamit sa operasyon.
Gamit ang dalawang Alternative Recording Devices (ARD), dokumentado ang buong transaksyon.
Hindi malinaw kung magkasintahan ang dalawang suspek, pero ayon sa mga pulis, matagal na umanong minamanmanan ang kanilang ilegal na aktibidad. Pinaghihinalaang parte sila ng isang lokal na drug group na nagpapakalat ng shabu sa San Mateo at karatig lugar.
Nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
