“Hindi kriminal ang bata!”
Ito ang matapang na banat ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima laban sa panukala ni Senator Robin Padilla na ibaba sa 10 taong gulang ang minimum age of criminal responsibility mula sa kasalukuyang 15.
Sa kanyang maanghang na pahayag nitong Linggo, Hulyo 20, binira ni De Lima ang panukalang amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 (RA 9344) na layong alisin ang exemption ng mga batang 10-17 anyos na sangkot sa heinous crimes.
“Ang pagpapababa ng edad ng pananagutang kriminal sa 10 taong gulang ay hindi hustisya. Ito ay pagtatalikod sa tungkulin, pagkukulang sa malasakit, at kabiguan ng gobyerno,” diin ng dating kalihim ng DOJ.
Giit ni De Lima, hindi solusyon sa krimen ang pagpatong ng bigat ng hustisya sa mga balikat ng mga bata. “Bakit may batang nalululong sa krimen? Sino ang nakikinabang? Saan tayo nagkulang bilang lipunan?” tanong pa niya.
Hindi rin umano bago ang panukala ni Padilla. “Ilang beses nang pinatunayan ng child rights advocates, scientists, at social workers na mali ito. Pero paulit-ulit pa ring binabalik kahit walang saysay,” banat ni De Lima.
Para sa mambabatas, hindi krimen ang dapat parusahan—kundi trauma.
“Hindi proteksyon sa lipunan ang ibinibigay ng panukalang ito, kundi pagtataksil sa mga batang nasaktan at napabayaan,” sabi niya.
Bilang dating DOJ Secretary, alam ni De Lima ang kalagayan ng mga batang ikinukulong.
“Nakakita na ako ng batang biktima ng kulungan at batang binigyan ng pag-asa at rehabilitasyon. Ang pagkakaiba ay buhay at kamatayan,” aniya.
Kung ang sagot natin sa batang nadapa ay kulungan, sabi niya, “hindi ang bata ang dapat usigin, kundi ang sistemang walang malasakit.”
Nagpaabot ng panawagan si De Lima sa mga kapwa mambabatas sa Senado at Kongreso: “Hindi ito tungkol sa pagiging ‘soft’ o ‘tough’ sa krimen. Ito ay tungkol sa kung anong klaseng bayan tayo. Ihagis ba natin ang bata sa kulungan bago natin siya unawain? O bibigyan natin siya ng pag-asa?”
