Naglaho sa malakas na agos ng ilog ang dalawang bata sa Brgy. Bombongan, Morong, Rizal nitong Sabado, Hulyo 20.
Kinilala ang mga nawawalang bata na sina Gene Heinrich Dacumos, 12 anyos, at Ruben Cioseph Giray Cubilla, 10 anyos, kapwa residente ng Mabuhay Homes, Darangan, Binangonan, Rizal.
Batay sa ulat ng Morong Municipal Police Station (MPS), huling nakita ang dalawang bata malapit sa tulay ng ilog pasado alas-dose ng tanghali noong Hulyo 19. Isang saksi ang nagsabing nakita niyang tinangay ng malakas na agos ng ilog ang dalawa, pero natakot umano itong magsumbong agad.
Ayon sa pulisya, bandang alas-5:30 ng madaling araw kinabukasan lang nagsumbong ang saksi dahil sa matinding takot. Mabilis namang kumilos ang mga otoridad at nakipag-coordinate sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), BPSO, at mga volunteer responders para magsagawa ng search and retrieval operations.
Patuloy ang imbestigasyon ng Morong MPS para alamin ang buong detalye ng insidente. Hanggang ngayon, pinaghahanap pa rin ang dalawang bata na pinangangambahang nalunod matapos tangayin ng agos.
