Mas mataas ang nakolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) nitong buwan ng Hunyo kumpara noong nakaraang taon, ayon mismo kay Finance Secretary Ralph Recto.
Sa panayam kasama ang media, ibinulgar ni Recto na umakyat sa P200.52 bilyon ang koleksyon ng BIR nitong Hunyo 2025. Malaki ang inangat nito mula sa P170.03 bilyon noong Hunyo 2024.
“So far, maganda ang trabaho ng BIR. Lumalago sila ng halos 14%,” pahayag ng kalihim.
Dagdag pa ni Recto, ang pagtaas ng buwis ay dahil sa mas mataas na singil sa value added tax, excise tax, at corporate income tax.
Samantala, ang BOC naman ay umabot sa P77 bilyon ang koleksyon ngayong Hunyo, kumpara sa P74.6 bilyon noong Hunyo 2024.
Pero kahit may pag-angat, aminado si Recto na baka hindi pa rin maabot ng Customs ang target na koleksyon ngayong taon.
“Nakausap ko na ang mga opisyal ng BOC. May catch-up plan sila dahil kulang ang koleksyon sa taripa sa bigas at e-vehicles,” sabi ng kalihim.
Nagpulong si Recto kasama ang bagong BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at ilang collectors mula Luzon para ayusin ang estratehiya. Target nila na humabol ng dagdag na P50 bilyon kumpara sa unang bahagi ng taon.
Bukod diyan, ipinangako ng BOC ang 5-Point Priority Program para sa 2025 na tutok sa pagdi-digitalize ng customs processes; paglampas sa koleksyon target; pagpapadali ng transaksyon; pagsugpo sa smuggling, at pagpapahusay sa mga empleyado.
“Kailangan ng bilis at tapang para mapaganda pa lalo ang koleksyon. Kung mas marami ang pondo, mas marami tayong maibabalik na serbisyo sa taumbayan,” diin ni Recto.
