Photo Courtesy of Go Rizal
CAINTA, RIZAL – Walang preno at walang paliguy-ligoy si Mayor Kit Nieto sa kanyang emosyonal na pag-amin: hindi siya masaya tuwing namimigay ng relief goods sa mga nabahaan.
“Pampalubag-loob lang ‘yan dahil sa pagkukulang ko,” sabi ni Nieto sa kanyang post.
Ayon sa alkalde, ramdam niya ang pagkadismaya ng kanyang mga kababayan kapag binabaha ang Cainta. Kahit anong remedyo raw ang gawin niya, may mga problema pa ring hindi masolusyunan—kaya tinatakpan na lang daw niya ng ayuda ang mga pagkukulang ng kanyang administrasyon.
“Minsan nga gusto ko na lang ipautos sa iba ang pamimigay ng relief dahil sa hiya ko,” dagdag pa ng mayor.
Pero kahit nahihiya at nasasaktan, pinipilit pa rin ni Nieto na humarap sa kanyang mga kababayan. “Kailangan ko kasing ipakita na hindi ako nawawala. Hindi ko ‘to ginagawa para sa pulitika—penitensya ko ‘to,” matapang na pahayag ni Nieto.
Ikinuwento pa ng alkalde ang kanyang mga sugat at peklat, na inabot niya sa disgrasyang malaglag sa mga bukas na imburnal at makainom ng tubig-baha na may ihi ng daga habang namimigay ng relief goods sa gitna ng baha.
“Kung mamatay ako dahil doon, handa ako. Kasama ‘yan sa pinasok ko,” seryosong sambit ng alkalde.
Pero ngayong taon, tila may liwanag na sa dulo ng baha. Masaya si Nieto dahil may mga pagbabago nang nararamdaman ang mga taga-Cainta pagdating sa problema sa pagbaha.
“Hindi pa tapos, pero may malaking nagbago. Itutuloy natin kahit anong mangyari. Get ready sa 2026, dahil may nakalatag nang mga proyekto para sa malalaking pagbabago,” pangako pa ni Mayor Nieto.
