LAS VEGAS — Walang inatrasan si Mark “Magnifico” Magsayo nang makipagsabayan sa matigas na Mexican boxer na si Jorge Mata sa MGM Grand Garden Arena nitong Linggo ng umaga (oras sa Pilipinas).
Sa loob ng 10 rounds, ipinakita ni Magsayo ang kanyang all-around skills—mula footwork, head movement, hanggang sa kombinasyon ng suntok—para maipanalo ang laban via unanimous decision.
Dalawang hurado ang nagbigay ng 100-90 scorecards, habang ang isa ay nagbigay ng 98-92, pabor lahat kay Magsayo.
“Pinaghandaan ako ng kalaban, pero buti na lang maganda ang performance ko kahit umabot ng 10 rounds,” pahayag ni Magsayo matapos ang bakbakan.
Nabawi ni Magsayo ang kumpiyansa matapos ang pagkatalo niya kay Rey Vargas tatlong taon na ang nakakaraan.
Ngayon, hawak na niya ang WBC Continental Americas Super Featherweight Title at nagtala ng ika-apat na sunod na panalo.
“All-around package na ako ngayon—may head movement, footwork, combination punches, lahat ng pinag-aralan namin lumabas sa laban,” dagdag pa niya.
Sa 4th round, muntik nang matapos ni Magsayo ang laban matapos patamaan si Mata ng matinding right uppercut sa panga.
“Nakita kong groggy siya, pero bumalik ako sa basic: jabs, head movement, footwork,” kwento niya.
Bagamat sumubok si Mata na bumawi at pahirapan si Magsayo sa mga gitnang rounds, hindi nagpatinag ang tubong Bohol.
Tinamaan si Magsayo sa tagiliran pero mabilis siyang nakarekober. “Thankful ako sa team, sa training namin, kaya mabilis akong nakabangon,” sabi niya.
Sa huli, nakuha ni Magsayo ang 28th career win (18 KOs) at binigyang-daan ang kanyang next fight na gaganapin sa Thrilla in Manila 50th Anniversary event.
“One week lang bakasyon, balik training agad. May paparating pa tayong laban!” hirit ni Magsayo na handang makipagsabayan muli para sa panibagong kasaysayan.
Mukhang walang balak huminto ang Magnifico—tuloy-tuloy ang hataw sa ring! (RON TOLENTINO)
