Nanindigan si Senador Sherwin Gatchalian na hindi sapat ang hakbang ng GCash sa pagpigil ng pagkalat ng e-gambling advertisements, kasabay ng panawagan na tuluyang itigil ng mga e-wallet platforms ang anumang ugnayan sa online sugal.
“Hindi sapat ang restrictions ng GCash sa e-gambling ads nito. Sa dami ng Pilipinong gumagamit ng e-wallets at sa sobrang dali ng pag-access nito, malaki ang pananagutan ng mga platform na tulad ng GCash, Maya, Coins.PH, at iba pa, na itaguyod ang kapakanan ng sambayanan. Dapat putulin na nila ang lahat ng ugnayan sa online gambling — period,” pahayag ni Gatchalian.
Ayon sa senador, hindi na biro ang epekto ng online sugal sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan at mga pamilyang nalulubog sa utang dahil sa madaling access gamit ang e-wallet apps.
“Araw-araw, mas maraming kabataan at pamilyang Pilipino ang nalulubog sa utang at nalululong sa sugal—at ang e-wallets ang nagiging daan. Imbes na kita, dapat unahin nila ang kapakanan ng publiko,” dagdag pa ni Gatchalian.
Hinimok ng senador ang mga fintech companies na maging responsable at itigil na ang pagproseso ng bayad para sa mga illegal at online gambling platforms, na madalas nagiging sanhi ng pagkakabaon sa utang ng mga ordinaryong Pilipino.
Nanawagan din si Gatchalian sa mga regulators tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Securities and Exchange Commission (SEC) na mas higpitan pa ang pagbabantay sa mga transaksyon kaugnay ng online gambling upang maprotektahan ang publiko.
“Hindi lang ito usapin ng negosyo—ito ay usapin ng buhay at kinabukasan ng maraming Pilipino.”
