Arestado ang apat na katao sa isang operasyon ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) dahil sa umano’y paggawa at pagbebenta ng pekeng plaka.
Isinagawa ang operasyon noong Hulyo 12 bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na habulin ang mga scammer at iba pang kriminal sa sektor ng transportasyon.
Ayon kay Atty. Greg G. Pua, Acting Assistant Secretary at LTO Chief, nagsimula ang operasyon matapos makumpirma ng Investigation and Intelligence Division (IID) ng LTO ang iligal na aktibidad ng mga suspek.
“Agad kaming nakipag-ugnayan sa CIDG para ikasa ang operasyon. Ito ay nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakakumpiska ng mga pekeng plaka,” ani Pua.
Nakumpiska sa operasyon ang 51 piraso ng pekeng plaka, mga printing machine at computer units, machine press, apat na cutting machine, Vynil reflectorized film, hole machine, 14 tray ng acrylic letters, tatlong acrylic borders at cold laminate machine, marked money.
Tinatayang nasa P400,000 ang halaga ng lahat ng nakumpiskang kagamitan at materyales.
Nagpasalamat si Atty. Pua sa LTO-IID na pinamumunuan ni Renante Melitante at sa CIDG sa matagumpay na operasyon.
“Assured po namin ang publiko—hindi titigil ang inyong LTO sa pagtugis sa mga ganitong uri ng iligal na gawain,” dagdag pa niya.
Ang mga nahuling suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Presidential Decree 1730 at Article 2 Section 31 ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.
