KALABOSO ang dalawang lalaking suspek kabilang ang isang Chinese national, sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Regional Special Operations Unit (RSOU) sa pangunguna ni P/Major Francis Albert Fortunado, katuwang ang Trece Martires Police, sa tulong ng Bureau of Customs at BIR Revenue District Office 9A-CABAMIRO. ang halos P28 milyon halaga ng smuggled na sigarilyo sa Brgy. Hugo Perez, Trece Martirez, Cavite nitong Martes, Hulyo 15.
Kinilala ang mga naaresto na sina alias “Jamir”, 32, ng Carmona City, Cavite, at “Bayaw”, 52, isang Chinese national na nakatira sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Base sa report ni RSOU Chief P/LtCol. Julius Balano, nasabat nila ang humigit-kumulang sa 800 master cases ng iba’t ibang brand ng smuggled na sigarilyo, kasama ang P140K buy-bust money, P1.4M cash, mga bank receipts, isang Toyota Hi-Ace van, at 5 winged container vans na ginagamit sa pagbiyahe ng kontrabando.
Ipinagmalaki naman ni Regional Director PBGen Jack L. Wanky, ng PRO 4A CALABARZON, ang tagumpay ng operasyon na tumapos sa malaking operasyon smuggling sa nasabing lalawigan.
Mahaharap ang dalawang suspek sa mga kasong paglabag sa RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at RA 10643 (Graphic Health Warning Law). (KOI HIPOLITO/ERICHH ABRENICA)
