
Ipinag-utos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang agarang pagtanggal ng lahat ng billboard at out-of-home (OOH) gambling advertisements bilang bahagi ng pinaigting na hakbang ng ahensya sa mahigpit na regulasyon ng sugal sa mga pampublikong espasyo.
Sa inilabas na pahayag nitong Biyernes, sinabi ng PAGCOR na noong Hulyo 7, naglabas ito ng memorandum na nag-uutos sa lahat ng kanilang licensees, suppliers, system administrators, at gaming venue operators na alisin ang anumang materyales ng sugal na nakapaskil sa mga tren, bus, jeepney, taxi, at iba pang pampublikong lugar.
Ayon kay PAGCOR Chairperson at CEO Alejandro Tengco, tanging mga institutional o responsible gaming campaigns na aprubado ng ahensya ang papayagang ilabas mula ngayon.
“Binigyan namin ng palugit hanggang Agosto 15 ang lahat ng stakeholders upang ganap na alisin ang kanilang gambling-related ads,” ani Tengco.
“Bago nito, kailangang magsumite ng inventory ng mga existing billboard at wallscape ads ang mga ito sa PAGCOR hanggang Hulyo 16.”
Ang nasabing inventory ay dapat naglalaman ng sukat, materyales, lokasyon, expiration ng rental contract, at ang permit number mula sa Ad Standards Council (ASC).
Dagdag pa ni Tengco, bagama’t layunin ng PAGCOR na mag-generate ng kita para sa nation-building, hindi nito nais itaguyod ang kultura ng pagkalulong sa sugal, lalong-lalo na sa kabataan.
“Ang regulasyon sa labis at laganap na gambling advertisements ay mahalagang hakbang para protektahan ang mga bulnerableng sektor ng lipunan, partikular ang kabataan,” diin niya.
Nagbabala rin ang PAGCOR laban sa pagpapalit ng mga tinanggal na ads ng panibagong gambling promotions, at tiniyak na may kaukulang parusa ang hindi susunod sa kautusan.
Isinasaayos ngayon ng PAGCOR ang mas istriktong guidelines para sa tamang promosyon ng sugal sa bansa, kasabay ng adhikain nitong panatilihin ang balanse sa pagitan ng revenue generation at social responsibility.
